CURTAIN CALL

21March2013

*I just have to write this in my native language. No excuses, you can always translate. 😛

Pagkatapos ng ilang buwan, heto parin ako. Akala ko noong una ay naka-usad na ako, unti-unti pero habang tumatagal parang hindi parin. Pinilit kong magbasa ng mga paraan, kung ano mga dapat gawin, isipin kung anong mga pagkakamali upang hindi maulit at marami pa. Naintindihan ko naman, oo naman! Pero siguro iyong pagkaintindi na hindi tumatagos sa puso, hindi bumabaon sa kukote, ika nga! Yun bang binasa ko at nalaman ko kung ano nga yung mga pagkukulang, pero pagkatapos, nanduon parin yung umaasa ako na muling madurugtungan kung anuman yung mayroon dati.

Pinilit kong maging masaya, matatag, “matalino” … pinipilit kong makalampas sa ganitong pinagdadaanan. Dati naman parang pagkatapos ng dalawa o tatlong linggo eh mabuti na ang kalagayan ko. Handa na ulit akong tumawa ng malakas at ngumiti ng sinsero at natural. Hindi ko na kailangan ng matagalang sesyon sa mga kaibigan at mahabaang private message sa FB, talakayan sa what’s app at bulungan sa viber, para lang sabihin yung pinagdadaanan ko araw-araw. Dati, hindi paulit-ulit na roller coaster ride. Kumbaga, isang pila lang, pagkatapos ng isang sakay, tapos na. Pero bakit ngayon, lagi kong nahuhuli ang sarili ko na bumabalik sa pila at muling hinihintay ang pagsakay, ang pagbali-balintong sa sasakyang wala namang mabuting idinudulot kundi ang pagsakit ng ulo, pagkahilo, pagsakit ng sikmura, pagsusuka, ang pagpata ng katawan. . . .

Ano nga bang idinudulot nito sa akin? SAYA? Oo, inaamin ko, sobrang saya ang aking nararamdaman kahit sa mga saglit na pag-uusap at pagkikita. Sa mga pananalita at pagbibigay ng kahit kaunting liwanag sa matagal ko ng minimithi. Tama! Yun lang. Sa ganun lang, masaya na ako! Mababaw naman talga ang kaligayahan ko, sino ba ang hindi? Sino ba ang tatanggi sa kasiyahan na kahit panandalian lamang, alam mo naman na ito ang kailangan mo? At alam mo na dahil dito, lulutang kang muli sa ere, sasayaw kang parang walang nanonood, hindi ka makakaramdam ng kahit anong pait o sakit o galit. . . panandaliang saya! Dahil pagkatapos, babalik ka sa realidad! Matagal na nga palang tapos ang relasyon ninyo. Ilang panahon na ang dumaan mula nung sabihin niya na hanggang magkaibigan na lang kayo. At mayroon na nga pala siyang iba na pinaglalaanan ng panahon. SAKIT!

Saya at Sakit! Hahah. . . Naku! Eto na! Siya pa rin ang naaalala ko kahit alam kong iba na ang konteksto ng pinag-uusapan! Hahaha. . . Ayun oh! Nakapag-biro pa talaga!

Dati, sinasabi ko sa mga kaibigan ko, sa dinami-dami, wala pa talagang nakapag-patibok ng puso ko, yung hahamakin ang lahat… yung sisisirin ang lalim ng dagat… yung susungkitin ang buwan at bituin (teka, parang sa lalake ata ung mga yun?! Di bale, pantay na naman daw ang lalake at babae! heheh. . . ) Hanggang dumating sya at makilala ko. . . pero, nakakalungkot dahil hindi naman ito nagtagal at parang hangin lang na dumaan. Kasabihan, maaaring dumaan siya para sa isang mahalagang misyon sa aking buhay. . . at natatanto ko, upang bigyan nya ng liwanag yung katauhan ko! Usisain yung buong pagkatao ko! Ipakita kung sino ba talaga ako!

Pero, mukhang hanggang dito na nga lamang. Siguro naman, sa ilang beses kong tinangkang tapusin, hindi ko na kailangan pa ng delubyo para itigil na ang kahangalang ito. Takot man ako sa kahihinatnan, pero yun na yung risk dun!

Nakakabaliw ang pag-ibig pero hindi naman kailangang mawala sa sarili sakaling lumipad na at piniling maging malaya nito.

Kay #MYSuperman, maraming salamat! Napakalaking bahagi ka ng buhay ko!